Matapos ang matagumpay na title defense kay Mexican Luis Maldonado noong Disyembre 1, makikita na sa ibabaw ng boxing ring si world flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. sa Oktubre sa Macau, China kontra sa isang South African challenger.
Ito ang isiniwalat kahapon ng 25-anyos na si Donaire sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang radio program na ‘Sports Chat” sa DZSR Sports Radio.
“He said that there will be a schedule for me on October in Macau,” wika ni Donaire, ang kasalukuyang flyweight titlist ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO), sa pakikipag-usap niya kay American manager Cameron Dunkin. “It will be a mandatory title defense against a South African fighter.”
Ang tinutukoy ni Donaire, nagdadala ng 19-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, ay ang South African na si Moruti “Baby Face” Mthalane, nagbabandera ng 22-1-0 (15 KOs) card.
Bilang paghahanda kay Mthalane, huling natalo noong Setyembre 24 ng 2004 kay Nkqubela Gwazela via 11th-round TKO para sa South African flyweight belt, muling magsasanay si Donaire sa ALA Boxing Gym sa Cebu City.
Nakuha ni Mthalane ang kanyang mandatory title shot laban kay Donaire matapos umiskor ng isang unanimous decision kontra kay Lebanese Hussein Hussein sa kanilang title eliminator noong Hulyo 5. (Russell Cadayona)