^

PSN Palaro

Kinabukasan ni AJ Banal

GAME NA! - Bill Velasco -

Masakit ang nangyari para kay AJ Banal sa laban na ipinangalan sa kanya noong Sabado ng gabi. Bukod sa nakawala sa kanya ang WBA super flyweight title, hindi pa matanggap ng kanyang mga kababayan ang nangyari, at ibinuhos ang sama ng loob sa kanya.

Sa tutoo lang, sa pananaw ng marami, mga isa o dalawang taon pa bago maging ganap na hinog si Banal para sa isang title fight. Subalit dumating ang pagkakataon nang mabakante ang kampeonato, at sino ba namang boksingero ang tatanggi dito?

Mahigit tatlong linggo pa bago ang laban, kinunan ng video si Banal para sa kanyang TV plug. Dito pa lang pansin na ukit na ukit na ang abdominal muscles niya. Noon pa lang, naabot na niya ang kanyang fighting weight. Ibig sabihin, hindi na niya mapuwersa ang kanyang katawan, at maaga masyadong narating ang weight limit.

Nang dalhin sa doktor si AJ, kapansin-pansin na napakababa ng antas ng potassium sa kanyang katawan. Para sa mga di nakakaalam, ang potassium ay natatagpuan sa mga prutas tulad ng saging. Kaya mapapansin halimbawa sa mga laro ng PBA, ang mga player ay pinapakain ng saging at kung minsan orange (para sa Vitamin C) nang hindi sila mahilo at manlata.

Dahil napakababa ng kanyang potassium, hindi na makapag-isip si Banal sa pagod. Tinatakpan niya ang kanyang mukha, pero sa tagiliran naman siya binanatan ng dayuhan. Tandaan natin na, sa boksing, pag nagsimula na ang laban ay bawal kumain o uminom ng kahit ano, liban lang sa tubig.

Kaya sa simula ng laban, napakaganda ng nilaro ni Banal. Sa unang apat na round, dominado niya si Rafael Concepcion, na halos maplakda sa lakas ng suntok ni Banal. Pero, paglaon ay kinapos din ang batang Cebuano.

Ano ang mangyayari ngayon? Si Concepcion ang interim champion, at naghihintay ng kalalabasan ng isa pang elimination sa Japan sa Setyembre. Lalabanan niya ang magwawagi doon para sa permanenteng kampeonato sa Disyembre.

Ang ibig sabihin nito ay, kung mabigyan man ng pagkakataon si Banal na makabawi, gagawin ito sa susunod na taon pa. Pansamantala, magpapahinga muna siya, at sinabi ng management ng ALA na pag-aaralan nila ang kanilang sistema upang lalong mapaganda pa ito.

May mga nakausap ang inyong lingkod na eksperto sa boksing habang nandoon ako sa Cebu, at ang puna nila ay hindi pa gaanong mahusay si Banal sa paglaban habang umatras. Ito ang pinakamalaking pagkakaiba nila ni Concepcion. Tuwing napapaatras ang Panamanian, sumusuntok pa rin, at delikadong sugurin.

Subalit huwag tayong mabahala, at huwag naman nating apihin si AJ Banal. Tinanggap niya ang hamon tulad ng isang tunay na mandirigma, at isinugal niya ang kanyang rekord. Unang talo pa lamang naman niya ito, at marami din siyang natutunan. Lalo siyang gagaling, at sa susunod, iba na ang kalalabasan ng kanyang pagtangka sa isang world title.

BANAL

KANYANG

KAYA

NIYA

RAFAEL CONCEPCION

SI CONCEPCION

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with