Ang inaasahang pagdating sa bansa kahapon ni Rafael “El Torito” Copcepcion ng Panama ay hindi nangyari.
Hindi nakahabol sa kanyang connecting flight si Concepcion mula Los Angeles, California patungo sa Maynila bago dumiretso sa SM Mall sa Cebu City kung saan nakaiskedyul ang kanilang public workout ni Filipino AJ “Bazooka” Banal.
Nakatakdang pag-agawan nina Banal at Concepcion ang bakanteng World Boxing Association (WBA) super flyweight sa Sabado sa Cebu City.
“I have no doubt in my mind that he has a very bright future ahead of him,” wika ni manager Michael Aldeguer sa 19-anyos na tubong Bukidnon na si Banal. “The WBA super flyweight crown would just be one of them.”
Habang masigasig ang paghahanda ni Banal sa ALA Boxing Gym sa Cebu City, nagsanay naman si Concepcion sa Gleason’s Gym sa Brooklyn, New York, ayon naman sa kanyang manager na si Damon De Berry ng Optimum Sports Agency.
Tangan ni Banal ang 17-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang dadalhin ni Concepcion ang 10-2-1 (6 KOs) slate.
Samantala, idedepensa naman ni Gerry Peñalosa ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) bantam-weight belt kontra kay American challenger Nestor Rocha sa Setyembre 20 sa Mindanao Civic Center sa Tubod, Lanao del Norte. (Russell Cadayona)