Ito na ang pinakamalaking laro para kay Paul Gonzalgo.
Isang game-winning three-point shot ang isinalpak ni Gonzalgo sa huling 1.6 segundo upang tulungan ang Adamson University sa 66-64 paggitla sa paboritong University of the East sa first round ng 71st UAAP men’s basketball tournament kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ang nasabing kabayanihan ng 6-foot-2 na si Gonzalgo, anak ni dating Ginebra player Dante Gonzalgo, ang nagtabla sa Falcons at Warriors sa magkatulad nilang 2-2 baraha sa ilalim ng Ateneo Blue Eagles 4-0), nagdedepensang La Salle Green Archers (3-1), Far Eastern University Tamaraws (1-1), University of the East Red Warriors (2-2), University of Sto. Tomas Growling Tigers (1-2) at kasunod ang University of the Philippines Fighting Maroons (1-3) at National University Bulldogs (0-4).
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Taft-based cagers ni coach Leo Austria matapos simulan ang torneo sa 0-2.
Naglista ang Adamson ng isang 15-point lead, 48-33, sa first half bago nakabangon ang UE, tumipa ng 14-0 sweep sa eliminasyon noong 2007 bago winalis ng La Salle sa kanilang championship series, sa pagtatabla sa 60-60 mula sa isang 17-8 atake nina Elmer Espiritu, Marcy Arellano, James Martinez at Parri Llagas sa huling 2:06 ng fourth quarter.
Isang basket ni Jan Colina, nagtala ng career-high 15 puntos, 11 rebounds at 3 shotblocks, at split ni Gonzalgo ang muling naglayo sa Falcons sa 63-60 sa 1:45 nito kasunod ang apat na sunod na freethrows nina Hans Thiele at Espiritu para sa 64-63 abante ng Red Warriors, 23.9 segundo rito.
Sa ikalawang laro, umiskor maman si Benedict Fernandez ng career-high 24 puntos, tampok ang 5-of-5 shooting sa 3-point range, para igiya ang FEU sa 70-65 panalo kontra UST. (RC)