Isa lamang sa Tigers at Beverage Masters ang magkakaroon ng pagkakataong sagupain ang naghihintay na Express sa semifinals series.
Nakalatag ang pang apat at huling outright se-mifinals ticket, magtatagpo ang Coca-Cola at ang Magnolia sa mahalagang Game 3 ngayong alas-7 ng gabi sa kanilang quarterfinals series sa 2008 PBA Fiesta Conference sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang mananalo sa pagitan ng Tigers ni Binky Favis at Beverage Masters ni Siot Tanquingcen ang magtatakda sa kanilang best-of-seven semis showdown ng Air21 Express ni Bo Perasol.
Nauna nang inayos ng Barangay Ginebra ang kanilang semis wars ng naghihintay na Red Bull Barakos matapos walisin ang kanilang best-of-three quarterfinals series ng Sta. Lucia, 2-0, mula sa 92-90 paglusot sa Game 1 at 113-85 dominasyon sa Game 2.
Itinabla naman ng Coke ang kanilang serye ng Magnolia sa 1-1 mula sa dramatikong 91-90 pananaig sa Game 2 noong Miyerkules na tinampukan ng winning basket ni rookie guard Ronjay Buenafe sa huling 7.2 segundo.
“I didn’t say much before the game, forgetting the Xs and Os. I just told the boys to just do their best, and they rose to the challenge,” wika ni Favis.
“Just like what I’ve said before, winning Game One is nothing if you cannot win the series,” sambit naman ni Tanquingcen. (Russell Cadayona)