Wala nang nakikitang problema ang Philippine Olympic Committee (POC) hinggil sa pag-apruba ng Beijing Olympic Organizing Committee sa nahuling akreditasyon ni Filipino world four-division champion Manny Pacquiao.
Sinabi kahapon ni POC chairman Robert Aventajado na dadaan lamang sa isang ‘procedural stage’ ang 29-anyos na si Pacquiao para makapasok sa China ukol sa 29th Olympic Games sa Beijing sa Agosto 8-24.
“Ngayon, pinaprocess na ‘yung regular visa para kay Manny Pacquiao kasi hindi na siya umabot sa pre-arrival identity and accreditation card,” wika ni Aventajado kay Pacquiao, ang hinirang ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Special Envoy at ‘flag bearer’ ng Team Philippines sa 2008 Beijing Games.
Hindi tulad ng mga miyembro ng delegasyon, kailangan pa ni Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) lightweight champion, na hintayin ang kanyang visa bago makapasok sa China.
Pamumunuan ni Pacquiao ang Team Philippines na tinatampukan nina national swimmers Miguel Molina, JB Walsh, Ryan Arabejo, Daniel Coakley at Cristel Simms, divers Shiela Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga, jins Tshomlee Go at Maria Antonette Rivero, boxer Harry Tanamor, archer Mark Javier, shooter Eric Ang, long jumpers Henry Dagmil at Marestella Torres at weightlifter Hidilyn Diaz. (RC)