Mapua, nakatatlo na; Bedans dalawa naman
Sumulong sa ikalawang sunod na panalo ang defending champion San Beda College habang dumiretso naman ang Mapua Institute of Technology sa ikatlong sunod na tagumpay matapos igupo ang magkahiwalay na kalaban kahapon sa 84th NCAA men’s basketball tournament na nagpatuloy sa Cuneta Astrodome.
Tumapos si Borgie Hermida ng 15-puntos, tatlong rebound at dalawang assists para sa SBC Red Lions na sumalo sa liderato sa pahingang Colegio De San Juan de Letran.
Matapos mabigo sa kanilang opening game, dumiretso naman sa ikatlong sunod na panalo ang MIT Cardinals matapos ang 76-65 panalo sa University of Perpetual Help Dalta System sa unang laro.
Sumandal ang Cardinals kina Fil-Canadian Kelvin Dela Peña at TG Guillermo sa final canto upang masolo ang ikalawang posisyon habang nalasap naman ng Perpetual Altas ang ikalawang talo sa 3-laro.
Pinamunuan ng 6-foot-2 na si Dela Peña ang Cardinals sa pagkamada ng 16 marka, 10 rebounds at 6 assists kasunod ang 12 puntos ni Jonathan Banal.
Sumadsad naman ang PCU Dolphins sa ikatlong sunod na kabiguan sanhi ng kanilang pagkakabaon sa kulelat na posisyon.
Dalawang krusyal na three-point shot naman ang kinana ni Dela Peña, gayundin si Guillermo para ilayo ang Mapua sa, 73-64, sa natitirang 36.1 segundo upang tuluyang iwanan ang Perpetual.
Sa high school division, tinalo naman ng Altalettes ang Red Robins, 106-51.
- Latest
- Trending