Liderato itataya ng CSB vs Letran

Tangka ang ikatlong sunod na panalo, itataya ng College of St. Benilde ang hawak na liderato sa pakikipagsagupa sa Colegio de San Juan de Letran sa tampok na laro sa pagpapatuloy ng NCAA men’s basketball tournament sa Cuneta Astrodome.

Hawak ng College of St. Benilde ang maagang liderato taglay ang 2-0 record matapos ang 61-54 panalo laban sa University of Perpetual Help Dalta System at ang impresibong 69-65 pamamayani sa nagbabalik na Philippine Christian University noong Opening day, June 28.

Alas-2:00 ng hapon nakatakda ang sagupaang Letran at St. Benilde na susundan ng engkwentro ng Jose Rizal University at San Sebastian College sa alas-4:00 ng hapon.

Hangad naman ng Letran Knights na masundan ang kanilang 83-69 pananalasa laban sa JRU Heavy Bombers upang agawin ang liderato sa St. Benilde.

Kasalukuyang nakikisosyo sa 1-0 kartada ang Letran sa walang larong defending champion San Beda College.

Sa ikalawang seniors game, pag-aagawan naman ng Jose Rizal at ng San Sebastian College ang buwenamanong panalo.

Nais ng Jose Rizal na makabawi sa pagkatalo sa Letran habang maka-ahon sa dalawang sunod na kabiguan ang pakay ng kulelat na SSC-R Stags.

Sa juniors division, tangka ng Staglets at ng CSB-LSGH Baby Blazers ang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagharap sa magkahiwalay na kalaban.

Sa opening game, alas-10:00 ng umaga maghaharap ang Letran Squires at Baby Blazers na susundan ng pagsagupa ng Staglets sa Light Bombers sa alas-12:00 ng tanghali. (Mae Balbuena)

Show comments