2nd win win asam ng CSB at UPHSD

Matapos magpasiklab sa opening day, tangka ng College of St. Benilde at ng University of Perpetual Help System Dalta ang ikalawang sunod na panalo para sa maagang solong liderato sa  84th NCAA men’s basketball tournament na magpapatuloy ngayon sa Araneta Coliseum.

Sinilat ng Altas ang pinapaborang San Sebastian College sa kanilang debut game, 60-55 noong opening day habang iginupo naman ng CSB Blazers ang nagbabalik na Philippine Christian University, 69-55.

Kasama ng St. Benilde at ng Perpetual na may 1-0 record ang mga pahingang Colegio de San Juan de Letran at ang defending champion San Sebastian College ngunit sa kanilang pagsasagupa ngayon, iisa lang ang matitira sa liderato.

Alas-2:00 ng hapon ang sagupaan ng Blazers at Altas na susundan ng engkwentro ng SSC Stags at host Mapua Institute of Technology na parehong nais makabawi sa kani-kanilang opening day loss.

Samantala, walong junior players ang sinuspindi ng NCAA Board mula sa San Sebastian at Perpetual matapos ang nangyaring ‘rambol’ sa juniors game noong Lunes sa Cuneta Astrodome.

Awtomatikong nasuspindi ang mga Staglets na sina Raffy Gusi, John Trinidad, Jeric Estrada at Joel Laconico at ang mga Altalettes na sina  Ronald Torres, Joel Jolangcob, Jesserie Teves at Eugene Cabuza na pumasok sa court nang magpang-abot sina Jerome Delgado  ng Baste at Joshua Alolino ng Altas.

Dahil dito, mahihirapan ang Staglets at Altalletes sa kanilang laro ngayon sa pagkakasuspindi ng kanilang mga players.

Sasagupain ng Perpetual juniors ang CSB Baby Blazers sa opening game sa alas-10:00 ng umaga habang ang MIT Red Robins naman ang kalaban ng San Sebastion Juniors. (Mae Balbuena)

Show comments