Dragons yuko sa Bulls
Maagang humataw ang Red Bull upang dominahin ang Welcoat tungo sa 101-90 panalo sa pag-usad ng 2008 Smart PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum kagabi.
Binanderahan ni import Adam Parada ang Bulls sa kanyang kinamadang 26-puntos at 14-rebounds bukod pa sa limang assists at apat na blocks tungo sa pagsulong ng kanyang koponan sa ika-10 panalo sa 16-laro.
Si Parada, nagtala ng 9-of-10 fild goal shooting at 8-of-10 sa freethrow line, ang naging susi para makakawala ang Bulls.
Pansamantalang somosyo ang Bulls sa nangungunang Air21 sa 10-6 kartada ngunit habang sinusulat ang balitang ito, nakikipaglaban ang Express sa Magnolia Beverage na nais kumalas sa pakikisosyo sa 9-7 kartada sa walang larong Coca-Cola.
Kung mamalasin ang surprise leader na Air21, mapapasakamay ng Bulls ang liderato.
Sa panalong ito, nakakasiguro na ang Bulls ng playoff para sa awtomatikong quarterfinal slot tulad ng Express at lumakas ang kanilang tsansa sa outright semifinal ticket na igagawad sa top two teams pagkatapos ng double round classification phase.
Tinambakan ng Bulls ng hanggang 25-puntos ang Welcoat sa ikalawang quarter at sa likod ng paghahabol ng Dragons, sapat naibaba lamang nila sa pitong puntos ang kalamangan ng Red Bull sanhi ng kanilang ikapitong sunod na talo at ika-13 sa 17 laro na lalo pang nagdiin sa kanila sa ilalim ng team standings.
Umabante ang Red Bull sa 75-50,
Nagsimulang maghabol ang Dragons para sa 22-4 run at nakalapit sila sa 72-79 sa bungad ng final canto matapos ang pitong sunod na puntos ni Niño Gelig.
Hindi hinayaan ng Red Bull na higit pang makalapit ng Welcoat nang muli nilang ibalik sa double digit ang kalamangan tungo sa kanilang tagumpay.
Katulong ni Parada sina Celino Cruz at Leo Najorda na may 14 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending