Alam mong simula na ng college basketball season dahil magbubukas na ang ika-84 na taon ng NCAA. Punong-abala sa taong ito ang Mapua Institute of Technology, at magbubukas ang season sa Araneta Coliseum ngayong Sabado.
Ang unang tanong ay kung sino ang papasok sa Final Four. Sa ngayon, marami ang nagsasabing magwawagi ang San Beda Red Lions, bagamat nahirapan sila sa mga pre-season tournament na kanilang nilahukan.
Subalit buo pa rin ang back-to-back defending champions, at kung maipapanatili nilang malusog ang kanilang koponan, mahihirapan ang ibang koponan na itaob sila. Huling taon na rin ng kanilang sentrong si Sam Ekwe.
Isa sa mga tinitingnan din ng mga kumukilatis sa NCAA ay ang Jose Rizal University Heavy Bombers. Bagama’t nabitin sila sa nakaraang season, napakalakas pa rin ng backcourt ng Bombers, at may isa pa silang taon ng pagsasama na magiging malaking tulong sa kanila sa mga gipitang laro.
Bagamat nabigo ang mga tagahanga nila noong nakaraang dalawang taon, may ilan din ang nagsasabing magpapakita na ng tunay na lakas ang San Sebastian College. Hinog na ang mga malalaking player nito, tulad ni Jason Ballesteros, at maaaring buo na ang kanilang chemistry. Pero marami rin ang umaasa na manunumbalik sa Final Four ang nagbabalik na Philippine Christian University, dahil maglalaro pa rin ang mga beterano nitong sina Beau Belga (na may isa pang taon) at Lisztian Amparado.
Nawala ang dalawang malalaki ng Colegio de San Juan de Letran sa katauhan ni Brian Faundo at Schubert Reposar, kaya’t magiging balakid ito sa anumang plano nilang magkampeon sa taong ito.
Subalit hindi dapat maliitin ang anumang koponang hawak ni Louie Alas.
Marami pa ring gugulatin ang mga ito.
Siyempre, masasabak agad ang Mapua laban sa San Beda sa opening day, subalit ang tanong ay kung kakayanin ng malakas na backcourt ng Cardinals na alpasan ang naglalakihang mga kalaban.
Naririyan pa rin ang 2007 MVP na si Kelvin dela Peña, na magsisikap na ipakita na karapat-dapat siyang katakutan, at hindi lamang dahil nadiskwalipika ang ibang kandidato noong nakaraang taon.
Bagong coach, bagong team, bagong kapalaran? Iyan ang katanungan para sa College of St. Benilde, na hawak ngayon ni Gee Abanilla.
Halos binaklas ang buong team ng Blazers dahil sa maraming gulo, subalit nangangarap silang pumasok sa Final Four.
Samantala, recruitment naman ang naging hamon ng University of Perpetual Help System Dalta, na nagbalak pang kunin ang 6’0 na si Gian Chiu mula sa Oberlin College sa Amerika. Ilang taon nang hirap makakuha ng malalaking player ang Altas, pero mabigat pa rin ang kanilang outside shooting.
Abangan na lang natin ang mangyayari. Siguradong makulay na naman ang bagong NCAA season.