Hindi natin masabi kung suwerte nga talaga ang Red Bull o medyo naantala lamang ang paglalaro nito nang dalawang magkasunod na playdates.
Kasi nga’y nakansela ang mga laro ng PBA kahapon at ililipat ng ibang petsa ang laro sa pagitan ng Red Bull at Sta. Lucia Realty. Malamang na ito’y ganapin matapos ang huling playdate ng elims na dapat sana ay sa July 4 na araw ng Biyernes. So bale sa July 6 na ito gagawin kasama ng isa pang game sa pagitan ng Barangay Ginebra at Alaska Milk.
Kasi nga, kung natuloy ang laro kahapon ng Red Bull ay muling mapapasabak ang Barakos sa Miyerkules laban naman sa Welcoat. In effect, dalawang magkasunod na playdates ang lalaruin ng Red Bull. Pagod na sila’y kulang pa ang panahon para paghandaan ang kalaban.
Pero teka, ganoon din ang naging suma nun, e. At mas masikip pa nga ang nangyari.
Kasi, sa July 4 ay kalaban ng Red Bull ang crowd-favorite at rumaratsadang Barangay Ginebra. Pagkatapos niyon ay lalabanan nga nila ang Sta. Lucia sa July 6.
So, imbes na dalawang araw ang paghahanda para sa susunod na kalaban, mas masaklap ang nangyari dahil isang araw lang nila mapaghahandaan ang Realtors kung saka-sakali. Ang matindi pa niyan ay ang pagyayaring ang Gin Kings at Realtors ay mga koponang naghahabol samantalang ang Welcoat ay na-eliminate na at tila mas magaan na kalaban!
Pero ‘part of the game’ yun, e. Binagyo ang bansa at natural na iisipin ng pamunuan ng PBA ang kapakanan ng ating mga kababayan. Alangan naman unahin pa ng PBA ang pagsasagawa ng laro samantalang ang hirap ngang maglakbay dahil sa maraming lugar na binaha. Brownout pa nga sa karamihan ng lugar at kahit na itinuloy ang game ay baka hindi rin ito napanood.
Kung makakaulit naman ang Red Bull sa Welcoat na tinambakan nila, 109-88 noong Mayo 14, makakatiyak na ang Barakos ng playoff para sa automatic quarterfinals berth. Kahit paano’y less pressure na yon sa kanilang balikat. At marahil, kung tatanungin si Red Bull coach Joseller “Yeng” Guiao, sasabihin niyang okay lang na hindi makadiretso sa semifinals at dumaan muna sa quarterfinals. Kasi, sa mga nakaraang conferences naman ay nasabi niyang “unfamiliar territory” ang maging automatic semifinalist.
Mas preferred yata ni Guiao na manatiling sharp ang kanyang mga bata sa pamamagitan ng paglalaro sa quarterfinals. Sa ganoon ay hindi sila kinakalawang.
Pero siyempre, kung puwedeng laktawan ang quarterfinals, bakit ba ang hindi? Sayang din ang pahinga. Isa pa’y sureball na ang pinakamababang placing ay fourth.
Saan ka pa?