Dating PSC chairman na si Tuason, yumao na
Mula sa isang karamdaman, pumanaw na kahapon ng madaling araw ang dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) na si Carlos “Butch” Tuason sa kanyang tahanan sa San Francisco, USA.
Ang balita ay nanggaling mismo sa kanyang pinsan na si First Gentleman Atty. Mike Arroyo sa pamamagitan ng isang text message.
Si Tuason, dating pangulo ng Philippine National Shooting Association (PNSA), ay itinalaga ni dating Pangulong Joseph Estrada bilang bagong chairman ng sports commission noong 1998 kapalit ni Philip Ella Juico bago pinanatili ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo hanggang 2002.
Ang dating PSC chief ang pang limang chairman na nagsilbi sa komisyon matapos sina Cecil Hechanova (1990-1992), Aparicio Mequi (1992-1993), Mel Lopez (1993-1996) at Juico (1996-1998) kasunod sina Eric Buhain (2001-2005) at William “Butch” Ramirez.
Si Tuason ang kinuha ni Atty. Arroyo para maging project director ng kanyang FG Foundation noong 2005 na nagresulta sa pagiging overall champion ng Team Philippines sa Southeast Asian Games.
Ilan sa mga programang ginawa ni Tuason ay ang implementasyon ng Gratuity and Monthly Incentives Allowance Plan (GMIAP) para sa mga atletang lumahok sa Olympic Games, Asian Games at world championships.
Nanggaling rin kay Tuason ang pagbubuo ng Philippine National Youth Games-Batang Pinoy, ang centerpiece program ng gobyerno para sa mga batang may edad na 12-anyos pababa at ang pagtatayo ng ATLETA Program na tumiyak ng tamang paggamit ng mga National Sports Associations (NSA)s ng pondong galing sa PSC. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending