Bukod sa maigting na paghahanda para sa kanyang paghahamon kay world lightweight champion David Diaz, abala rin si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa ilang promotional activies ngayong linggo.
Nakatakdang magtungo ang 29-anyos na si Pacquiao sa San Diego, California para makipagkita sa ilang opisyales ng Cox Communications, isang US digital cable distributor, sa Miyerkules (US time) bago magbalik sa kanyang ensayo sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood.
Kamakailan ay bumiyahe si Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) super featherweight titlist, sa Berkeley, San Francisco kung saan niya nakasama ang 31-anyos na si Diaz sa isang public workout sa West Wind School.
Isa ring public appearance ang pupuntahan ng tubong General Santos City sa Little Philippines Lake Street Park sa Los Angeles sa Sabado (US time) kung saan siya muling makikihalubilo sa kanyang mga fans.
Nakatakda namang magtungo si Pacquiao sa Los Angeles sa Hunyo 23 para sa isang press conference ni Diaz, magdedepensa ng kanyang suot na WBC lightweight crown sa Hunyo 28 sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada.
Pamumunuan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang huling press conference nina Pacquiao at Diaz sa susunod na Miyerkules sa Las Vegas.
Kaugnay ng Pacquiao-Diaz lightweight championship fight, dalawang Filipino fighters ang nakasama sa undercard. Ito ay sina Pan Asia Boxing Association (PABA) lightweight king Dennis Laurente at Philippine super featherweight titlist Aaron Melgarejo.
Wala pang naililistang kalaban sina Laurente at Melgarejo hanggang kahapon. (RCadayona)