Red Bull bumangon
Nagpasiklab si rookie Jojo Duncil sa pagkamada ng career-high 18-puntos upang ihatid ang Red Bull sa 86-82 panalo kontra sa Barangay Ginebra sa Smart-PBA Fiesta Conference eliminations kagabi na nagpatuloy sa Araneta Coliseum.
Bumangon ang Bulls sa tatlong sunod na talo para umangat sa 8-5 record sa likod ng nangungunang Coca-Cola na may 8-4 kartada.
“It’s good to break the losing streak, masuwerte pa rin that we won despite the fact that Junthy (Valenzuela) played a great game in the fourth quarter and (Mark) Caguioa did not play,” ani Bulls coach Yeng Guiao. “ Slowly we giving him (Duncil) confidence. In the past few games, he showed the kind of character to shine which is to play hard and work hard.”
Kinamada ni Duncil ang kanyang 13 puntos sa third quarter na naging susi upang umabante ang Red Bull sa 72-58.
Sa pagbibida ni Junthy Valenzuela, nakalapit ang Kings sa 79-83 at may tsansa pang dumikit ng husto ngunit sumablay ang tres ni Ronald Tubid.
Natiyak ng Red Bull ang tagumpay nang ikonekta ni Warren Ybañez ang dalawang freethrows para sa komportableng 85-79 kalamangan, may 38.8 segundo na lamang ang natitira.
Nanguna sa Red Bull si import Adam Parada sa kanyang 20-20 performance na 20 puntos at 23 rebounds habang nag-ambag si Baguio ng 18 puntos.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyan pang naglalaban ang Air21 (7-5) at Sta. Lucia (6-5). (MaeBalbuena)
- Latest
- Trending