GENTING HIGHLANDS, Malaysia -- Naging magaan ang buwena manong panalo ni Marlon Manalo sa pagsisimula ng ikatlong leg ng Guinness 9 Ball Tour kahapon dito sa Genting International Convention Center.
Naging ‘flawless’ sa opening match si Manalo sa Group E nang blangkuhin niya ang local bet na si Benjamin Lee, 9-0.
Hindi naman naging mapalad si Alex Pagulayan sa kanyang opening game matapos lumasap ng 5-9 pagkatalo kay Ryu Seung Woo ng Korea sa Group C ng annual six-leg event na inorganisa ng ESPN STAR Sports.
Kontroladong-kontrolado ng Mandaluyong-based na si Manalo ang kanyang laban sa kanyang mahusay na pocketing at sinamantala nito ang mga miscues ni Lee na ngayon pa lamang lumaro sa Tour. Nakatakdang harapin ni Manalo ang pinapaborang si Yang ChingShun ng Chinese Taipei sa panggabing laban para sa karapatang makausad sa quarterfinals ngayon.
Lamang ang dating WPA World Pool champion na si Pagulayan sa 3-1 ngunit dahil sa dry breaks sa fifth at seventh rack ang nagbigay ng pagkakataon kay Ryu.
Kailangang manalo ni Pagulayan laban kay Mohd Sapawi ng Malaysia at kailangang talunin ni Sapawi si Ryu nang ‘di bababa sa 5 racks para makapasok sa quarterfinals.