BATANGAS CITY -- Bumangon ang Hapee Toothpaste mula sa 18-point deficit upang hugutin ang makapigilhiningang 74-73 panalo laban sa Harbour Centre sa Game 1 ng kanilang title series sa PBL Lipovitan Amino Sports Cup sa Batangas City Sports Centre.
Halos sumuko na ang Complete Protectors matapos mabaon ng 18 points ng dalawang beses sa third canto na ang pinakahuli ay sa 63-45, ngunit unti-unting nakabangon ang Hapee at hindi nila pina-iskor ang defending champion Harbour Centre sa huling 1:26 minuto ng labanan para makauna sa kanilang best-of-five title series.
“I told the guys to be patient and they did. Their resilience really mattered this time,” ani coach Louie Alas. “We struggled early but good thing we came back strong in the fourth.”
Isang 13-4 run, anim mula kay veteran Francis Mercado, ang nagdikit sa Hapee sa 68-71 bago umiskor si Chad Alonzo ng putback para sa 73-68 pangunguna ng mga Batang Pier.
Ngunit ito na ang huling pagkakataong naka-abante ang Harbour Centre nang tatlong sunod na turnovers ang kanilang nakamit na sinamantala ng Complete Protectors para sa 6-0 produksiyon.
Matapos ilagay ni Mark Borboran ang Hapee sa 74-73, may dalawang pagkakataon ang Batang Pier na makabawi ngunit isang offensive foul ang nagawa ni Ty Tang at di naman nakalusot si Jason Castro sa kanyang mga defenders.
Bagamat wala na si Larry Rodriguez sa huling maiinit na minuto ng labanan, nanguna ito sa Hapee sa kanyang tinapos na 18 points habang sumuporta naman sina Borboran at Mercado na may tig-10-puntos.