Haping-HAPEE sa finals
TRECE MARTIRES, Cavite -- Muling ipinamalas ni Fil-Am Gabe Norwood ang kanyang galing upang tulungan ang Hapee Toothpaste sa kanilang 77-72 panalo sa Burger King sa Game-4 ng kanilang semifinal series para makatuntong sa finals ng PBL Lipovitan Amino Sports Cup sa Ayong Maliksi gym dito kahapon.
Umiskor si Norwood, kandidato para sa Most Valuable Player ng kumperensiya, ng 13 sa kanyang team-high na 17-puntos sa unang bahagi ng labanan at pinigil nila ang malaking rally ng BK Whoppers sa endgame para tapusin ang best-of-five semis series sa 3-1 panalo-talo.
Naitakda ang muli nilang pakikipagharap sa defending champion Harbour Centre sa championship series na magsisimula sa Miyerkules sa Batangas City Sports Complex.
Sa kanilang titular showdown noong nakaraang taon, bumangon ang Batang Pier mula sa 19-point deficit sa second half sa Game-Three upang makopo ang titulo sa overtime.
Nagdagdag si Norwood 9 rebounds at tatlong assists sa kanyang 38 minutong paglalaro sa semifinals series na lumukob sa kanyang 8-point performance sa Game 3 na nakuha ng Burger King, 69-70 para pahabain ang serye. (MBalbuena)
- Latest
- Trending