Para sa kampanyang tuluyang masawata ang paggamit ng mga ipinagbabawal na substances upang makalamang sa mga kapwa atleta, magtatayo ng hiwalay na anti-doping agency dito sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang Philippine Centre Sports Medicine ng Philippine Sports Commission ang nangangasiwa ng anti-doping sa ilalim nina Dr. Alejandro Pineda, head ng Doping Control Unit, at Dr. Raul Canlas, Medical director.
Ngunit inihayag kahapon nina Pineda at Canlas na magtatayo ng anti-doping agency sa bansa sa tulong ng World Anti-doping Agency.
Ito ang isa sa napag-usapan sa isinasagawang Southeast Asia RADO Board Meeting, Therapeutic Use Exemptions and Result Management Workshops sa Heritage Hotel.
“By January of 2009, we will have our own national anti-doping agency which will be separate entity from the Philippine Sports Commission and the Philippine Olympic Committee although the major funding will come from PSC for now,” pahayag nina Canlas at Pineda.
Sa kasalukuyan, ipinapadala pa sa Malaysia at China ang mga samples na kailangang itest ngunit kung maitatayo ang ahensiya ay mas makakamura na sa doping.
Ayon kina Rob Koeler ng World Anti-Doping Agency at Dr. Varin Tansupharisi ng SEARADO, tutulong sila para sa edukasyon ng anti-doping. (Mae Balbuena)