Gabica kampeon ng Mandaluyong 10-ball

Mainit ang simula ni Antonio Gabica at pinigilan niya ang paghahabol ng hometown hero na si Marlon Manalo, 13-8, upang makopo ang titulo sa $30,000 Mandaluyong Mayor’s Cup 10-ball championship sa Atrium ng City Hall.

Nakuha ni Gabica ang huling apat na racks, na-run-out niya ang huling tatlo, upang masustinihan nito ang mainit na simula tungo sa kanyang pagkopo ng $10,000 champion’s prize sa first leg ng Philippine Pool Tour.

Umabante ang 35-gulang na tubong Lapu-Lapu City sa 5-1 at 9-5 ngunit naglaho ito nang maghabol si Manalo at nakalapit sa 8-9 ngunit hanggang dito na lamang.

“Na-pressure din ako, lalo na nung humabol si Marlon,” ani Gabica. “Malaking karangalan ito sa akin. Kasama ng ibang mga titulo ko, kasi madami ding magagaling na naglaro dito.”

Nagkasya si Manalo sa $4,000 runner-up’s purse.

Tinalo ni Gabica, Asian games gold medalists, si Jericho Banares, 11-3 sa semifinals habang sinibak naman ni Manalo,  2005 Reno 9-ball Open winner, si Leonardo ‘Dodong’ Andam, 11-7 para makausad sa championship round.

Show comments