Nanatiling walang talo sina Marlon Manalo at Antonio Gabica sa $30,000 Mandaluyong Mayor’s Cup 10-ball championship upang makapasok sa Final Four sa Kaban ng Hiyas Auditorium.
Nalusutan ng pambato ng Mandaluyong na si Manalo ang pinapaborang si Thorsten Hohmann, 9-8. May pag-asa pa ang German player kung makakalusot ito sa loser’s bracket kung saan dalawang laban ang kanyang dadaanan habang sinusulat ang balitang ito.
Naging magaan naman ang panalo ni Gabica, reigning Asian Games gold medal winner sa kababayang si Mario Tolentino, 9-5 para makapasok sa semifinals sa winner’s draw.
Naghihintay ang 35-gulang na si Gabica ng kalaban sa semifinal tulad ni Manalo. Walong players ang naglalaban-laban sa loser’s bracket.
Mula sa 1-3 deficit, nakabangon si Gabica nang kunin nito ang limang sunod na racks upang manatili ang tsansa sa $10,000 winner’s purse.
Nasibak si Johnny Archer matapos ang 9-7 kabiguan kay Leonardo Didal. Nasibak naman si Didal ni Jericho Banarez, reigning RP junior champion, 9-7.
Nanalo naman si Banarez sa loser’s side kay Canadian Gary Watson, 9-6 para itakda ang laban kay Didal.