Tuluy-tuloy na ang ginagawang preparasyon ni Filipino world minimumweight champion Florante Condes para sa kanyang unang pagdedepensa ng korona sa Hunyo 14 sa Mexico.
Matapos ang tig-dalawang rounds laban kina Bert Batawang at Federico Catubay, pinahaba pa ni trainer Danny Bactol ang sparring rounds ng 27-anyos na si Condes, ang kasalukuyang minimumweight king ng International Boxing Federation (IBF).
Si Condes, nagdadala ng 22-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, ay nagsasanay sa pamosong ALA Boxing Gym sa Cebu City kasama si resident trainer Edito Villamor.
“Medyo okay na siya. Iyong isip niya sa training at ‘yung katawan niya,” wika ni Villamor sa kondisyon ngayon ni Condes, halos isang taon na hindi sumabak sa sparring session matapos umiskor ng isang split decision kay Indon fighter Muhammad Rachman noong Hulyo 7 ng 2007 sa Jakarta, Indonesia para sa bakanteng IBF crown.
Itataya ni Condes ang kanyang korona laban kay Mexican challenger Raul Garcia, nagbabandera ng 22-0-1 (15 KOs) card.
“Sabi ko lang sa kanila ng trainer niya, dahandahan muna sa sparring kasi halos one year siyang walang laban at baka mabigla ‘yung katawan ni Condes,” sabi ni Villamor kina Bactol at Condes, tinaguriang “The Little Pacquiao” bunga ng matitinding suntok nito kagaya ni World Boxing Council (WBC) super featherweight champion Manny Pacquiao.
Ang problema sa kanyang Filipino at American promoters ang siyang nagbigay ng malalim na problema kay Condes, ang ikalawang Filipino fighter na tinanghal na world champion noong 2007 matapos si IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight ruler Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. (Russell Cadayona)