Ang malaking pagkakamali ni import Randy Holcomb ay pinagbayaran ng Alaska.
Sa pagkawala ng maasahang import, yumukod ang Aces sa Air21, 86-79 sa pagpapatuloy ng 2008 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum kagabi.
Hindi naasahan ng Aces si import Randy Holcomb na nagsilbi ng kanyang one-game suspension bukod pa sa P10,000 na multa dahil sa kanyang flagrant foul laban kay Rich Alvarez ng Red Bull sa kanilang sagupaan noong Abril 19 sa Laoag City.
Sinamantala ng Express ang pagkapilay ng Aces upang iposte ang kanilang ikalawang sunod na panalo at umangat sa 3-3 baraha.
Dumausdos naman ang Aces sa 2-4 record.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Purefoods (2-3) at Ginebra na magpaparada ng bagong import na si Chris Alexander para sa hangaring makatikim ng panalo matapos mabokya sa 5-laro.
Sinamantala ng Express ang dalawang krusyal na turnovers ng Aces sa ilalim ng 2:00 minuto tungo sa kanilang tagumpay.
Tumapos si import Steve Thomas ng 25 puntos, habang may 21 naman si Wynne Arboleda para banderahan ang Express na nagpalasap sa Alaska ng ikalawang sunod na talo.
Huling nakalapit ang Alaska sa 74-79 sa huling 1:49 ng laro buhat sa split ni Willie Miller ngunit dalawang turnovers ang ginawa ng Aces na siyang nagbigay daan para makalayo ang Express sa 85-74, 1:13 minuto na lamang.
Samantala, hangad naman ng Bulls na maging matatag sa tuktok ng team standings sa pakikipagharap sa Magnolia Beverage ngayong alas-4:30 ng hapon sa De La Salle Sentrum sa Lipa City, Batangas.
Galing ang Red Bull, sa 82-75 panalo sa Coke noong Miyerkules. Nagmula naman ang Magnolia ni Siot Tanquingcen sa isang 101-108 pagkatalo sa Welcoat.