Bawi time
Sa simula ng season na ito, ang Magnolia Beverage Masters at Talk N Text ang tinaguriang ‘teams-to-beat’ dahil nga sa nagbalikan sa kanilang poder ang mga manlalarong ipinahiram nila sa national team noong nakaraang taon.
Sa pananaw ng karamihan ay star-studded naman talaga ang dalawang koponang ito.
Pero hindi talaga garantiya na kapag star-studded ang isang team ay makakamit na nito ang kampeonato.
Iyon ang masaklap na katotohanang natutunan ng Phone Pals at Beverage Masters matapos na hindi man lamang sila nakarating sa semifinal round. Ang Phone Pals ay maagang na-eliminate at hindi lumampas sa ‘wild card phase.’ Ang Beverage Masters naman ay tinalo ng Red Bull sa quarterfinals.
So, back to the drawing boards ang nangyari sa dalawang teams na ito. Ang Talk N Text ay nagkaroon ng radikal na pagbabago nang kunin nito bilang coach si Vincent ‘Chot’ Reyes kapalit ni Derick Pumaren. Nauna rito ay ipinamigay ng Phone Pals ang resident superstar na si Paul Asi Taulava sa Coca-Cola kapalit ni Ali Peek.
Sa panig ng Magnolia, ipinamigay nito ang mga manlalarong sina Enrico Villanueva, LA Tenorio, Larry Fonacier at Willy Wilson. Kinuha ni coach Bethune Tanquingcen sina Marc Pingris, Mike Cortez, Ken Bono at Chester Tolomia.
Sa tutoo lang, hindi ganoong kataas ang pagtingin ng mga oddsmakers sa Talk N Text at Magnolia sa kasalukuyang PBA-Smart Fiesta Conference. Mas maraming ibang teams ang tinititigang maigi ng mga oddsamakers at kabilang na dito ang nagtatanggol na kampeong Alaska, lumakas na Coca-Cola Tigers at ang Sta. Lucia Realty na nagkampeon sa Philippine Cup.
Siguro okay na iyon para sa Phone Pals at Beverage Masters. Kasi kung hindi nga sila ang ‘favorites’ natural na hindi mabigat ang pressure sa kanilang balikat. Dahil dito, mas maganda ang magiging concentration ng Phone Pals at ng Beverage Masters.
Mayroon tayong mga kaibigang nagsasabing mas delikado ang Phone Pals at Magnolia ngayon. At sang ayon ako sa kanilang pananaw.
Kasi nga, mas maganda yung mayroong role players sa team na payag na mabangko o mabigyan lang ng kapirasong playing time alang-alang sa kapakanan ng kanyang koponan.
Mahirap kasi yung sa mismong team ay may selosang nagaganap at kanya-kanyang paistaran ang nangyayari. Counter-productive iyon.
Kailangang may balance sa pagitan ng superstars at ng role players.
May kutob akong makakabawi ang Phone Pals at Be-verage Masters sa conference na ito.
- Latest
- Trending