Tiyak na may rematch sina Filipino world bantamweight champion Gerry Peñalosa at Mexican world super bantamweight titlist Daniel Ponce De Leon ngayong taon.
Ito, ayon sa manager ni Ponce De Leon na si Joe Hernandez, ay kung magiging matagumpay ang pagdedepensa ng 27-anyos na Mexican fighter kay Puerto Rican challenger Juan Manuel Lopez sa Hunyo 7 sa Atlantic City, New Jersey.
“We are open for a rematch with Gerry Peñalosa but we still have to pass by Juan Manuel Lopez first,” wika kahapon ni Hernandez kay Ponce De Leon, sasagupa sa kanyang pang walong sunod na title defense.
Matatandaang umiskor ng isang kontrobersyal na unanimous decision si Ponce De Leon laban sa 35-anyos na si Peñalosa sa kanilang unang pagtatagpo noong Marso 17 sa Las Vegas.
Matapos ang naturang kabiguan kay Ponce De Leon, inagaw naman ni Peñalosa ang suot na WBO bantamweight belt ni Mexican Jhonny Gonzales via seventh-round TKO noong Agosto 11 sa Arco Arena sa Sacramento.
“First of all this fight,” ani Ponce De Leon sa kanyang laban kay Lopez. “Then the rematch with Gerry Peñalosa who’s been talking a lot lately, saying he wants the fight. So that might be next.”
Bago tuluyang magretiro, sinabi ni Peñalosa, dating naghari sa super flyweight division ng World Boxing Council (WBC), na gusto niyang muling makalaban si Ponce De Leon.
“Gusto ko nga sanang makakuha ng laban against the big names kagaya nila Daniel Ponce De Leon, Israel Vasquez,” ani Peñalosa, hinikayat ng Golden Boy Promotions na bumiyahe sa New Jersey para hamunin ng personal si Ponce De Leon. (R. Cadayona)