Phone Pals wagi sa Bulls

Kung anong meron ang Red Bull ay siya ring ginawa ng Talk N Text upang tapatan ang hamon ng kalaban.

“We emphasized on toughness and togetherness because that’s what Red Bull is all about,” wika ni coach Chot Reyes. “It was a good test for us on how we can play together.”

Nagbunga ito ng 103-92 panalo ng Phone Pals sa Bulls sa kanilang sagupaan sa elimination round ng 2008 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.

Nanguna sa Talk N Text si Don Allado sa kanyang 21 puntos, 16 rito  sa first half, bukod pa sa 11 rebounds at tatlong assists tungo sa kanilang pagsulong sa 2-1 baraha katabla ang Red Bull sa likod ng Coca-Cola (3-0) at Sta. Lucia (2-0).

Huling nakalapit ang Red Bull, nakakuha ng 24 marka, 13 boards, 2 shotblocks at 2 steals kay seven-footer Adam Parada, sa 69-81 agwat bago muling nakalayo ang Talk ‘N Text sa 103-85 sa huling 2:36 ng fourth quarter mula kina Allado, import Aaron McGhee at MacMac Cardona.

Sa iba pang balita, nakikipag-negosasyon ang Bulls sa pagdadala kay Junthy Valenzuela sa Ginebra kapalit ng dalawang draft picks.

Samantala, ipaparada  ng Ginebra (0-2) ang seven-footer na si Ernest Brown sa kanilang pakikipagharap sa Sta. Lucia ngayong alas-4:30 ng hapon sa Tacloban Convention Center.

Show comments