Espinosa naghihintay pa rin sa kanyang premyo

Makaraan ang 11 taon, hinihintay pa rin ni dating seven-time world featherweight champion Luisito Espinosa ang $150,000 prize money mula sa kanyang panalo noong Disyembre 6 ng 1997 sa Koronadal, South Cotabato.

Sa tulong ni Executive Secretary Eduardo Ermita at ng kanyang manugang na si Games and Amusements Board (GAB) chairman Eric Buhain, kumpiyansa ang 39-anyos na si Espinosa na mahahawakan rin niya ang naturang premyo.

“Siyempre, kailangan maging confident tayo na makukuha ko rin ‘yung premyo ko,” sabi kahapon ni Espinosa, dating naghari sa featherweight division ng World Boxing Council (WBC) at sa bantamweight class ng World Boxing Association (WBA).

Sa kabila ng kanyang paninirahan sa United States simula noong 1998 kung saan siya isang stocker ngayon sa isang warehouse club sa San Francisco, California, nananatili pa ring buhay ang isinampa niyang kaso laban kina dating South Cotabato Gov. Hilario De Pedro at mga promoters na sina Rod Nazario at Lito Mondejar.

Nakatakdang magtungo bukas ang 5-foot-7 na si Espinosa kay Judge Rosario Cruz ng Branch 173 ng Manila Regional Trial Court kasama si Atty. Ramon Maronilla, ibinigay ni Ermita, para pormal na iprisinta ang kagustuhan niyang habulin sina De Pedro, Nazario at Mondejar.

“Pupunta si Luisito to make representations and finalize to the court that he is really pursuing this case,” ani Buhain. “Hopefully, maayos itong hinahabol ni Luisito because he’s trying to pick up the pieces and he’s trying to rebuild his life.”

Noong Disyembre 6 ng 1997, umiskor si Espinosa ng isang sixth-round TKO kay Carlos Rios ng Argentina para mapanatili ang kanyang WBC featherweight belt sa kabila ng hindi pa napapasakamay na $150,000 premyo na ipinangako ni De Pedro.

“Kahit wala pa sa akin ‘yung pera, talagang umakyat na lang ako sa boxing ring kasi nakikita ko ‘yung maraming tao na naghihintay sa akin at ayoko silang mapahiya,” ani Espinosa, may 47-13 win-loss ring record kasama ang 26 KOs.

Si Espinosa, hiniwalayan ng kanyang asawang si Maricherrie para sa isang American lawyer na taga-Los Angeles, California, ay kasalukuyang nakapirmi sa kanyang kaibigan sa Taguig.  (Russell Cadayona)

Show comments