Hugutan na ng mga beteranong players.
Kasabay ng pagkuha kay point guard Eugene Tan, nasambot naman ng Hapee Toothpaste ang kanilang pang apat na sunod na ratsada mula sa 100-85 paggiba sa bumubulusok na Burger King sa second round ng 2008 PBL Lipovitan Amino Sports Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Sa inisyal na laro, muling sinandalan ng San Mig Coffee ang ‘leadership’ ni Eric Dela Cuesta upang talunin ang Bacchus Energy Drink, 86-82, para sa kanilang pangalawang dikit na panalo.
Tangan pa rin ng Harbour Centre Batang Pier ang liderato mula sa kanilang 8-0 baraha kasunod ang Complete Protectors (7-3), Pharex (5-4), Whoppers (5-6), Noosa Shoe (4-5), Coffee Kings (4-5), Raiders (4-7), Toyota Otis (3-6) at RP Youth (0-4).
“Iyong feeling ko na may missing link sa point-guard position, sa palagay ko nasagot na sa pagkuha namin kay Eugene Tan,” ani mentor Louie Alas sa kanyang Hapee. “Bumagal kami pero bumilis naman ‘yung ball distribution, kaya compensated naman.”
Isang 8-2 atake ang ginawa nina Juntilla, Larry Rodriguez at Francis Mercado para ilayong muli ang Hapee sa Burger King, 88-69, sa 3:40 nito patungo sa 98-77 pag-iwan, 1:20 sa laro. (RCadayona)