Triple victory

Ipinagtanggol ng limang boxers sa pangunguna ni Gery Peñalosa ang Pilipinas sa ‘Invasion’ na naganap sa Araneta Coliseum kahapon.

Kagaya ng ipinangako ng Filipino world bantamweight champion na si Peñalosa sa kanyang mga kababayan, isang magandang panalo ang kanyang ginawa laban kay Thai challenger Ratanachai Sor Vorapin nang umiskor ang 35-anyos na boxer ng isang eight-round TKO laban sa 31-anyos na si Vorapin sa 2:31 ng nasabing yugto para mapanatiling suot ang kanyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown.

Ito ang unang pagkakataon na idedepensa ni Peñalosa ang nasabing titulo makaraan itong  agawin kay Mexican Jhonny Gonzales via seventh round TKO noong Agosto 11 sa Arco Arena sa Sacramento, California.

“Ang sabi sa akin ni coach Freddie Roach tapusin ko na sa fourth round pero mas gusto kong mabigyan ng pagkakataon ang mga kababayan ko na makapanood ng magandang fight kaya umabot ng eight round,” ani Peñalosa, may 53-6-2 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 36 KOs, at Vorapin, nagdadala ng 72-10-0 (48 KOs) slate.

Isang uppercut ni       Peñalosa kasunod ang isang right straight ang nagpaluhod kay Vorapin sa fifth round hanggang tuluyan nang bumagsak sa eight round ang dating WBO bantamweight titlist sa 2:31 nito.

“I made a mistake of throwing a lot of punches and letting my guard down,” ani Vorapin, tinalo ni Peñalosa sa kanilang unang pagtatagpo via sixth round TKO para sa WBC International super flyweight belt noong Nobyembre 25 ng 2000 sa Casino Filipino Amphitheater sa Parañaque.

Isang rematch kay WBO super bantamweight king Daniel Ponce De Leon na umiskor ng kontrobersyal na unanimous decision kay Peñalosa noong Marso 16 sa Las Vegas, Nevada ang niluluto.     

Naidepensa rin ni super bantamweight Rey “Boom Boom” Bautista ang kanyang WBO Inter-Continental title kay Mexican Genaro Camargo via second round TKO sa huling 57 segundo nito, habang tinalo naman ni super flyweight AJ ‘Bazooka’ Banal si Caril Herrera ng Uruguay mula sa fourth round TKO sa 1:18 sa kanilang eliminator para sa No. 1 spot sa International Boxing Federation (IBF).

Nanalo rin si super bantamweight Ciso “Kid Terrible” Morales kay Korean Yoo Shin Kim sa 2:24 ng fifth round, si Bert Batawang kay Heri Amol ng Indonesia sa seventh round at si bantamweight Michael Domingo kay Themnimit Sor Chitpattana ng Thailand via second round TKO. (Russell Cadayona)

Show comments