TATAP may isyu kay Cojuangco

Sa kasagsagan ng Mahal na Araw, isang reklamo ang ipinarating ni dating table tennis association chief Victor Valbuena laban kay Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr.

Ayon kay Valbuena, isang ‘political manuevering’ ang ginawa ni Cojuangco sa eleksyon ng Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) noong Marso 13 kung saan nailuklok si Col. Cesar Hawthorne Binag bilang bagong pangulo.

“Political move na rin ito siguro para kay Mr. Peping Cojuangco kasi gusto niyang masecure yung isang boto niya pagdating ng POC election,” sabi kahapon ni Valbuena.

Ang pagluklok kay Binag, ayon kay Valbuena, ang titiyak sa isang boto para kay Cojuangco, sinasabing naghahangad ng kanyang ikalawang termino bilang presidente ng POC.

Sa kabila ng kawalan ni Cojuangco ng pormal na pahayag para sa kanyang muling pagtakbo, nagparamdam na ng interes sa POC top seat sina POC chairman Robert Aventajado ng taekwondo at dating POC head Celso Dayrit ng fencing. 

Kasabay nito, inamin rin ni Valbuena, unang naihalal noong 2002, na may ‘loopholes’ sa Constitution and By-Laws ng table tennis association kung saan taun-taon ay nagdaraos sila ng eleksyon para sa mga bagong opisyales.

Nagsampa na rin ng Temporary Restraining Order (TRO) si Valbuena sa Manila Regional Trial Court para pigilin ang gru-po ni Binag sa pag-angkin sa opisina ng TATAP sa gusali ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Rizal Memorial Sports Complex.

“We are now aiming to unite first all the table tennis stakeholders in the land,” ani Binag. “Everybody is welcome here.” (Russell Cadayona)

Show comments