Lalong sumikip ang ibabaw ng NBA’s Western Conference habang paunti ng paunti ang nalalabing laro. Halos dalawampu na lamang ang nalalabi sa schedule bago dumating ang playoffs.
Sa pagsusulat na ito, ang San Antonio Spurs ang nangunguna sa West sa winning percentage na may 43 panalo at 17 talo. Sunod ang Los Angeles Lakers sa 43 panalo at 18 talo. Nakabungkos naman ang New Orleans Hornets, Utah Jazz, Houston Rockets, Phoenix Suns, Dallas Mavericks at Golden State Warriors na may, tig-41 hanggang 37 panalo. Wala sa kanilang bumaba sa 62 porsyento sa kanilang laro ang naipanalo.
Samantala, sa East, namamayani ang Boston Celtics at natamo ang kauna-unahang playoff berth sa liga sa kanilang ika-48 panalo. Ang Detroit Pistons at Orlando Magic lamang ang kasama nilang may lagpas 40 panalo, at tanging ang Cleveland Cavaliers at Toronto Raptors ang lagpas kalahati sa panalo. Ibig sabihin nito na maaaring may pumasok sa playoffs sa East na talunan ang rekord. Samantala, sa West, ang Denver Nuggets (36 - 24) ay nakapagpanalo na ng 60 percent ng kanilang laro, at nasa pansiyam na puwesto.
Ang tanong ay kung sino ang malalaglag sa mga nangunguna para makapasok ang Nuggets.
Sa ngayon, masama ang lagay ng Phoenix Suns at Dallas Mavericks, na, bagamat nagpalakas, ay lalong nagtatatalo. Ang Dallas ay natalo sa huling tatlong laro nito, at anim sa huling labing-isang laban. Ang masakit pa nito, puro maliliit na puntos ang mga talo nila.
Sa Phoenix, di nila nakukuha ang inaasahang iskoring kay Shaquille O’Neal, at tila naglaho ang depensa. Malamang na makapasok ang Phoenix sa playoffs, dahil masasandalan nila ang kanilang opensa para maipanalo ang ilan pang laro.
Ang tanong ngayon ay kung maipagpapatuloy ng Houston Rockets ang kanilang pananalasa. Sa ngayon, 17 sunod na ang kanilang panalo, at ang huling ilan ay nagawa nila na wala si Yao Ming.
Pero sa susunod na linggo, makakalaban nila ng sunud-sunod ang Lakers, Celtics, Hornets, Warriors at Suns sa loob ng isang linggo. Ang huling tatlo noon ay road games pa.
Sa Abril naman, makakasalubong nila ang Phoenix, Denver at Utah ng sunud-sunod din.
Sino ang malalaglag sa Phoenix, Dallas, Golden State at Houston?