Isang 6-foot-11 veteran ng U.S. NCAA cage war na naglalaro ngayon sa Europe ang nililigawan ng Smart-PBA Philippine Cup champion Sta. Lucia Realty bilang reinforcement para sa kanilang pangarap na back-to-back championship sa season na ito.
Sinabi ni coach Boyet Fernandez kahapon na kasalukuyang nakikipagnegosasyon si team manager Buddy Encarnado sa import na ayon sa kanya ay ang kailangan ng kanilang team para palakasin ang line-up sa nalalapit na Fiesta Cup.
Ayaw pang pangalanan ni Fernandez ang kanilang import na sinasabing siyang kailangan ng Realtors para maging ikaapat na team na makaka-sweep ng season sa 33-taong kasaysayan ng liga.
“Huwag na muna nating banggitin kung sino at anong klaseng player ang kinakausap natin, baka masulot pa. Lahat naman ng team ang pangarap maka-grand slam and we are not an exception,” ani Fernandez kahapon sa SCOOP Sa Kamayan na lingguhang ginaganap sa Kamayan Restaurant-Padre Faura.
“For winning our first all-Filipino crown, we are the only team capable of completing a sort of a grand slam, so ayaw ko namang mabolilyaso aang chance namin,” dagdag ni Fernandez na sinamahan ni assistant team manager Ariel Magno, assistant coaches Adonis Tierra at Cholo Martin at ang mga miyembro ng team.
Dumalo rin sa programang suportado ng ACCEL, sina team captain at Finals MVP Dennis Espino, long-time partner Marlou Aquino, Paolo Mendoza, Denok Miranda, Joseph Yeo, Bitoy Omolon, Norman Gonzales, Dennis Daa at Melvin Mamaclay. Nasa Amerika na sina Fil-Americans Kelly Williams at Ryan Reyes para bisitahin ang kanilang mga pamilya.
Tatlo ang pinagpipilian ng Sta. Lucia ayon kay Fernandez-- isang 6’10 giant at ang isa ay 6’9, ngunit ang 6’11 na NCAA veteran ang kanilang napupusuang makasama sa susunod na kumperensiya.