Pormal na magtatapos ang 70th UAAP Season sa paghahayag ng Athlete of the Year at paggagawad ng overall championship sa awarding ceremonies na gaganapin ngayon sa Plaza Mayor ng University of Santo Tomas campus sa España.
Ang lahat ng mga Most Valuable Players (MVPs) sa kanikanilang events ay kandidato para sa pinakaimportanteng award at nangunguna para sa Athlete of the Year plum ay sina University of the East fencing star at RP Team mainstay Michelle Bruzola, Santo Tomas cage icon Jervy Cruz at Far Eastern athletics hero Nelver Ducusin.
Ang iba pang kandidato ay sina Ateneo women’s basketball star Cassandra Tioseco at Ernest Lorenzo Dee, ang swimming ace ng La Salle na isa ring showbiz personality.
Tatanggapin ng Santo Tomas ang kanilang ika-10 sunod na Senior Overall championship sa award ceremonies na magsisimula sa alas-6:00 ng gabi matapos kumulekta ang Growling Tigers at Tigresses ng siyam sa 28 total championships sa pinaglabanan sa season na ito.
Ang UST ay humakot ng kabuuang 321 points sa overall race upang talunin ang Far Eastern Tamaraws, may kabuuang 240 points matapos humataw sa ikalawang semester.
Ang panalo sa women’s chess, swimming, taekwondo, badminton at lawn tennis at sa men’s table tennis, lawn tennis, fencing at volleyball ang nagsulong sa Santo Tomas sa kanilang ika-35th overall championship.
Naiselyo ng Tamaraws ang second place finish matapos ang five-set victory laban sa Adamson sa women’s volleyball finals noong nakaraang linggo. Nanalo din ang Far Eastern sa beach volleyball, football at athletics competitions, gayundin sa women’s table tennis at football at men’s taekwondo para maungusan ang University of the Philippines na tinalo lamang nila ng 1-point.
Gaganapin din ang turnover of hosting kung saan ang University of the Philippines ang susunod na host para sa Season 71.