Mula sa pagsusuri ng isang eksperto, tuluyan nang naalis sa national boxing team para sa huling Asian Olympic qualifiying event sa Kazakhstan si light flyweight Violito Payla.
Ito ay matapos na ring suriin ni Dr. Raul Canlas, direktor ng Philippine Center for Sports Medicine (PCSM), ang natamong left shoulder injury ni Payla na siyang nagpahinto sa kanyang pagsasanay para sa nasabing Olympic qualifying event.
Idinagdag ni Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) president Manny T. Lopez na tatalakayin pa ng kanyang coaching staff kung sino ang maaaring sumalo sa naiwang puwesto ni Payla sa tropa.
“In his letter to ABAP, Dr. Canlas said that it is physically impossible to rehabilitate Payla in two weeks time in time for the qualifier. He will be able to resume gym work after one month,” ani Lopez. “The findings say that Payla has a partial, torn rotator cuff in his left shoulder.”
Tanging si light flyweight Harry Tanamor pa lamang ang nakasuntok ng Olympic ticket matapos mag-uwi ng silver medal sa World Championships sa Chicago, USA noong Agosto.
Bukod kay Payla, isa rin sana ang kagaya niyang gold medalist sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar na si bantamweight Joan Tipon sa mga inaasahan ng ABAP na susunod sa yapak ni Tanamor.
“Despite this unfortunate event, ABAP remains confident that the country will be able to send more boxers to Beijing after the Kazakhstan qualifying. We continue to hold high hopes that our team will carry the flag proudly in Kazakhstan,” wika ni Lopez.
Si Cuban boxing coach Enrique Steyners Tissert ang siyang gagawa ng desisyon katuwang si Pat Gaspi para sa papalit kay Payla sa tropang lalahok sa Kazakhstan.