Napagkaitan man ng pagkakataon sa titulo ang Red Bull, ang konsolasyong third place ay hindi na nila hinayaang makawala.
Naging malaking banta sa Bulls si Tony Dela Cruz ng Alaska, na nagawa pang makabangon mula sa 20-point deficit, ngunit kumawala ang Bulls sa final canto para isiguro ang panalo.
Naisubi ng Bulls ang 124-104 tagumpay sa kanilang knock-out game kontra sa Aces sa pampaganang laro ng Smart PBA Philippine Cup Finals sa Araneta Coliseum kagabi.
Ang tampok na laro ay ang opening game ng best-of-seven titular showdown ng Purefoods at Sta. Lucia na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.
Humataw si dela Cruz ng 31-puntos, 17 nito ay sa fourth quarter upang banderahan ang Aces na nagbangon sa ikatlong quarter matapos mabaon sa 49-69.
Isang 22-9 salvo ang pinakawalan ng Alaska upang makalapit sa 71-78, 3:44 minuto ang nalalabing oras sa third canto ngunit muling nakalayo ang Red Bull sa final quarter nang kanilang ibalik ang 20-point lead, 101-81, mula sa split ni Warren Ybañez, 9:00 minuto pa ang oras sa laro ngunit nahirapan ang Aces na tibagin ito.
Ito ang ikalawang sunod na third place trophy ng Red Bull.
“We’re disappointed not playing in the finals but the best consolation is winning third place,” pahayag ni coach Yeng Guiao. “We felt that this was a good conference for us. A lot of people never expected that we can get this far in this conference. Somehow, we’ve overachieved.”
Pinangunahan ni Cyrus Baguio ang Bulls sa kanyang 23 puntos kasunod ang career-high 21 ni Carlo Sharma habang si Mike Hrabak ay nag-ambag naman ng 17-puntos.
Parehong nabigong makapasok sa finals ang Red Bull at ang Alaska matapos masibak sa didikang best-of-seven semifinal series kontra sa Purefoods at Sta. Lucia ayon sa pagkakasunod sa deciding Game-Seven noong Linggo.