Isang Japanese fighter ang dumagdag sa mga sparmates ni Mexican world super featherweight champion Juan Manuel Marquez para paigtingin ang kanyang paghahanda sa rematch nila ni Filipino boxing hero Manny Pacquiao.
Nagtungo na patungong Mexico City si Norio Kimura, No. 7 sa listahan ng World Boxing Council (WBC) at No. 15 naman sa World Boxing Association (WBA), para tulungan ang 34-anyos na si Marquez sa kanyang preparasyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tatayong sparring partner ng isang Mexican champion ang 29-anyos na si Kimura.
Isa si Kimura sa mga naging sparmates ni world three-division titlist Erik Morales sa paghahanda nito sa kanilang ikatlo at huling banggaan ng 29-anyos na si Pacquiao noong Nobyembre 18 ng 2006.
Ayon kay Kimura, sinipa siya ni Morales, natalo kay Pacquiao via third round TKO sa kanilang huling pagtatagpo para sa WBC International super featherweight championships sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada, nang mapuruhan niya sa tenga sa kanilang sparring session.
“Morales misunderstood my affectionate act,” ani Kimura, nagdadala ng 33-5-2 win-loss-draw ring rekord kasama ang 17 KOs, kay Morales na isa nang retiradong boksingero. (R.Cadayona)