Isang interim title fight ang maaaring itakda ng International Boxing Federation (IBF) sakaling hindi pa maging handa si Filipino minimumweight champion Florante “The Little Pacquiao” Condes na magdepensa.
Gagawin ito ng IBF, ayon kay IBF Championship Committee chairman Lindsey Tucker, habang nagpapagaling si Condes ng kanyang natamong wrist at back injury.
Isang buwan ang panahon na inirekomenda ng isang duktor kay Condes, inagaw ang IBF minimumweight belt kay Muhammad Rachman via unanimous decision noong Hulyo 7 sa Jakarta, para ipahinga at pagalingin ang kanyang injury.
Nakatakda sanang ipagtanggol ng 27-anyos na si Condes ang kanyang korona laban kay Mexican challenger Raul Garcia sa La Paz, Mexico sa Pebrero 16.
Si Condes, tubong Sampaguita, Looc, Rom-blon, ang sumunod kay IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. bilang world boxing champion bago sina bantamweight Gerry Penalosa at minimum-weight Donnie Nietes.
Dadalhin ni Condes ang 22-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, habang may 21-0 (15 KOs) naman ang 25-anyos na si Garcia.
Natamo ni Condes ang kanyang wrist at back injury habang nakikipag-ensayo sa mas malalaki niyang sparmates sa Wild Card Boxing Gym ni Rod Nazario sa Paranaque.
Ito ang magiging kauna-unahang title defense ni Condes matapos talunin si Rachman noong Hulyo. (Russell Cadayona)