Bustamante vs Souquet sa 9-Ball sa finals ng derby
Itinakda nina Pinoy cue master Francisco “Django” Bustamante at German ace Ralf “Kaiser” Souquet ang kanilang paghaharap sa finals ng 9-ball competition ng 10th annual Derby City Classic kahapon sa Executive West Hotel sa Louisville, Kentucky.
Gayunpaman, hawak ni Souquet ang bentahe dahil sa malinis na record, ibig sabihin ay dalawang beses kailangan talunin ni Bustamante ang kanyang kalabang Aleman.
Nagamit na ni Bustamante ang kanyang Buy-In option matapos matalo kay John Schmidt sa round 12, na sinipa naman ni Souquet makaraang payukurin ito sa round 13 at 14.
Bago matalo si Bustamante kay Schmidt, nanaig ang Pinoy kina Ron Beard, Norman Mc Kinley, Josh Roberts, Curtist Dehart, Mika Immonen, Gus Briseno, Larry Nevel, Jose “Amang” Parica, Alex Pagulayan, Mike Dechaine at Gabe Owen.
- Latest
- Trending