Tinalo ni Alex Pagulayan ang kinikilalang greatest player of all time na si Efren ‘Bata’ Reyes sa fifth round ngunit gumamit ng Buy-In option upang igupo si Jamie Farrel sa sixth sa pagpapatuloy ng 10th annual Derby City Classic ‘One Pocket’ division kahapon sa Executive West Hotel sa Louisville, Kentucky, ang hometown ng American boxing legend at former heavyweight champion Muhammad Ali.
Unang tinalo ni Reyes, na puntirya ang ikalimang sunod na One Pocket title, si Graig Canady sa fourth at itakda ang ‘ must win situation’ kontra kay Mark Jarvis sa seventh round.
Tinalo ni Pagulayan si Danny Harriman sa sixth at makakalaban si Rafael Martinez sa seventh. Ang tubong Cabagan, Isabela na si Pagulayan, ay yumuko kay Charlie Williams sa fourth round habang nagwagi naman si Reyes kay Canady sa annual $100,000 total pot tournament.
Tinalo naman ni Francisco “Django” Bustamante ng dalawang beses si Robert Zack sa fourth at fifth pero hindi namintina ang winning ways matapos kapusin kay Gabe Owen sa sixth. Ang susunod na makakalaban ni Bustamante si Mitchell Ellerman.
Kasalukuyang nasa kontensiyon pa din si Rodolfo “Boy Samson” Luat nagposte ng tatlong sunod na panalo kontra kina Grady Mathews, Buddy Hall at Brian Gregg, ayon sa pagkakasunod para makatapat si John Brumback.
Isa pang Filipino entry na si Santos “The Saint” Sambajon ay tinalo sina Fabio Petroni at Danny Harriman subalit kinapos kay Ron Wiseman. Haharapin ni Sambajon si Charles Bryant sa susunod na round.
Hindi naman pinalad si Jose “Amang” Parica na nagtamo ng magkasunod na pagkatalo para matanggal sa event ng yumuko kina Rafael Martinez at Chris Szuter sa fourth at fifth.
Samantala, sa 9-ball event ay sisimulan ni defending champion Neils “The Terminator” Feijen ng Netherlands ang pagdedepensa ng titulo kay Valerie Graham.
Habang si Luat tangkang mahigitan ang kanyang runner-up finish sa last year’s 9-ball division sa pakikipagsarguhan kay Eric Peterson, at si Bustamante, third placer last year, kontra naman kay Ron Beard.
Iba pang marquee matches ay Sambajon versus Joe Gay, Reyes versus Melinda Huang, Pagulayan vs George Bone Jr. at Parica versus Tom Fryer.
Ang most winningest player sa three division-9 ball bank, one pocket at 9-ball event ay siyang tatanghaling Master of the Table Bonus Champion. Si Reyes ang 2007 Master of the Table Bonus Champion at nagsubi ng $20,000 premyo.