Akalain mo iyon?
Patapos na ang double round eliminations ng SmartTalk N Text Philippine Cup ay nasa itaas pa rin ng standings ang Purefoods Tender Juicy Giants at isang napakatinding kolapso na lang ang puwedeng maging hadlang sa pagkuha nila ng isa sa dalawang automatic semifinals berths!
Naitala ng Giants ang kanilang ika-11 panalo sa 14 games noong Sabado nang padapain nila ang Air 21 Express, 114-92 sa kanilang out-of-town game sa West Negros College Gym kung saan ipinagbunyi ng kanyang mga kababayan ang “homecoming” ng Most Valuable Player na si James Yap.
Hindi hiniya ni Yap ang mga supporters niya. Tutoong na-pressure si James sa first half kung saan nakagawa lang siya ng limang puntos. Pero pagdating ng third quarter ay umarangkada na siya at pinamunuan ang break-away ng Giants. Nagtapos siya ng may 25 puntos.
May apat na games pang nalalabi ang Giants sa kanilang 18-game schedule. Sa araw ng Pasko ay makakaharap nila ang Barangay Ginebra. Pagkatapos ay makakatunggali pa nila ang Red Bull, CocaCola at Alaska Milk sa mga unang laro ng bagong taon.
Sa tutoo lang, mahirap ang mga games na ito. Ang Gin Kings ang siyang nagtatanggol na kampeon subalit medyo off and on at kulang sa consistency ang tropa ni coach Joseph Uichico.
Ang Red Bull ang unang dumungis sa record ng Purefoods. Pinatid ng Barakos ang seven-game winning streak ng Giants, 87-74 sa Tacloban City noong Nobyembre 17. Ang Tigers ang siyang pinakamainit na koponan sa kasalukuyan matapos na makuha si Paul Asi Taulava buhat sa Talk N Text. At hindi nga ba’t controversial ang 87-86 na panalong itinala ng Giants kontra Aces noong Nobyembre 21. Iprinotesta ito ng Alaska Milk subalit hindi kinatigan ng PBA Commissioner’s Office dahil sa judgment call daw ang nangyari sa ending ng larong iyon.
So kailangan pa ring kumayod nang husto ang Giants sa huling apat na games nila upang maibulsa nga kaagad ang semifinals berth. Realistically, dalawa lang sa apat na nalalabing games ang kailangang maipanalo ng tropa ni coach Paul Ryan Gregorio.
Kapag dalawang talo ang inabot ng Purefoods, ang tanging makakatabla sa kanila ay ang Red Bul o Alaska. Ito’y kung masusweep ng Barakos at Aces ang nalalabi nilang games. Pero kung mapagtatalo din ang mga naghahabol, baka isang panalo na nga lang ay nasa semis na ang Giants.
Biruin mo iyon?
Sino ba naman ang mag-aakalang magkakaganito. Kahit pa nagwagi ang Giants sa preseason tournament, hindi naman sila ang sinabing pretournament favorites, e.
Ang distinction na to ay napunta sa Magnolia at Talk N Text na talagang pambihira ang line-up.
Ang Purefoods ang klasikong halimbawa ng isang koponang hindi naman malakas “on paper” pero balanse at may division of labor. ‘yon ang sekreto ng kanilang tagumpay.