Matuloy na sana ang laban ni Condes

Kumpiyansa si Filipino manager Aljoe Jaro na tuluyan na niyang makukuha ang mga dokumento mula kay American Bobby Bostick para sa kapakanan ni world minimumweight champion Florante “The Little Pacquiao” Condes.

“Siguro  by next week nasa amin na ‘yung binabawi naming papeles mula kay Bobby Bostick,” wika ni Jaro.

Matatandaang hindi nagkasundo sina Jaro at Bostick hinggil sa pagsosolo ng American manager kay Condes matapos angkinin ng Filipino fighter ang International Boxing Federation (IBF) minimumweight crown noong Pebrero 7 sa Jakarta, Indonesia.

Umiskor ang 27-anyos na tubong Sampaguita, Looc, Romblon ng   isang unanimous decision kontra kay Muhammad Rachman upang angkinin ang naturang IBF title.

Matapos nito ay tinangka na ng kampo ni Bostick na masolo ang prize money ni Condes.

“Siyempre, kailangan nating makuha si Condes para hindi naman siya maagrabyado ng mga taong katulad ni Bobby Bostick,” sabi ni Jaro.

Sa pagkakabawi ni Jaro kay Condes, itinakda na ang kanilang rematch ni Rachman sa Pebrero ng 2008.

Tangan ni Condes ang 22-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, samantalang dadalhin naman ng 35-anyos na si Rachman ang 61-6-5 (31 KOs). (Russell Cadayona)

Show comments