CHICAGO, Illinois -- Pinaluhod ni Harry Tañamor si Amnat Ruenroeng ng Thailand, 16-8 upang makapasok sa lightflyweight finals ng International Amateur Boxing Association World Boxing Championships na ginaganap sa University of Illinois-Chicago Pavilion dito.
Sumandal si Tañamor sa kanyang bilis at counter-punching, upang dominahin ang Thai at makasiguro ng silver medal.
Ang Army sergeant mula sa Zamboanga City ay lalaban para sa gold medal nitong Sabado laban kay defending champion at favorite na si Zou Shiming ng China na tumalo kay Frenchman Nordine Oubaali via Referee-Stopped-Contest-outscored (21-1, 3rd round).
Galing si Tañamor sa surpresang panalo sa quarterfinals laban kay American bet Luis Yanez, ang Pan-American Games titlist nitong Huwebes.
Hindi pa nanalo ang Philippines ng gold medal sa World Championships at sa buong career ni Tañamor, Athens Olympian, ay gayon pa lamang siya nakapasok sa finals at may pagkakataon siyang higitan ang kanyang bronze medals noong 2001 at 2003 Worlds championships na ginanap sa Ireland at Thailand ayon sa pagkakasunod.
‘‘Masarap manalo para sa bansa at napaka-memorable nito pero mayroon pa akong isang laban na kailangang ipanalo laban sa defending champion. Nagpapasalamat ako sa lahat ng nanalangin at sumuporta. Masaya ako at nakapasok ako sa finals,” pahayag ni Tañamor.
Inamin ni Tañamor na miyembro ng RP PLDT-Smart boxing na siya ang underdog kay Shiming, tinalo niya sa Ireland ngunit nabawian din siya.