Isa Pang Pag-Asa Sa Gold
MACAU -- Tatlo na ang pag-asa sa gold medal ng muay thai at posibleng madagdagan pa ito na nagbigay ng mataas na morale para sa RP Team na nakikipaglaban sa Macau 2nd Asian Indoor Games dito.
Pinabagsak ni lightwelterweight Ruben Zumido si Sengchanh Sivongsa ng Laos via unanimous decision upang itakda ang pakikipagharap kay Metta Khetnok ng Thailand na nagtala din ng unanimous decision laban kay Mustapha Yaghmour ng Lebanon, sa finals sa Sabado.
Ang panalo ni Zumido ay nagbigay sa Philippines ng tatlong pag-asa sa gold medal para dagdagan ang bronze ni Catherine Perena sa women’s individual rapid chess.
Nag-ambag naman ang sepak takraw team ng bronze medal sa kanilang 500-plus performance. Katabla ng Philippines sa bronze ang Indonesia.
“That’s it for us, but it was a worthy bronze,” ani Philippine Amateur Sepak Takraw Association (Pasta) president Mario Tanchanco.
Umiskor din sina Roland Claro at Brent Velasco ng impresibong panalo noong Huwebes. Tinalo ni Velasco si Bounma Vongchampa ng Laos via third round knockout sa bantamweight semifinals at susunod niyang haharapin si Supachai Payunhan ng Thailand.
Tinalo naman ni Claro si Albert Kujur ng India via unanimous decision sa flyweight semifinals at susunod niyang haharapin si Chan Kai Tik ng Hong Kong.
Samantala, nagrunner-up naman si Chief-of-Mission at Philippine Sports Commissioner Richie Garcia sa golf tournament at siya ang may pinakamagandang pagtatapos sa buong delegasyon.
- Latest
- Trending