October 25, 2007 | 12:00am
Pitumpu’t siyam na atleta kabilang ang ilan na naghahanda para sa Southeast Asian Games sa Thailand sa December, ang bumubuo ng 117-man Philippine delegation na makikibahagi sa Macau 2nd Asian Indoor Games na magsisimula sa Biyernes sa iba’t ibang venues sa dating Portuguese colony.
Karamihan sa mga atleta ay nakaalis na via Hong Kong habang ang huling batch na kabibilangan ng ilang officials at walong chessers ay aalis ngayong umaga para makahabol sa opening ceremonies sa alas-8:00 ng gabi bukas sa 17,000-seater Macau Stadium.
Ang Macau Indoor Games, magsisilbing final tune-ups para sa mga Filipino athletes na sasabak sa Thailand SEA Games, ay may temang “Harmonious society and fun,” na lalahukan ng 45 nations para maglaban-laban sa 15 events.
Ang Philippines ay may lahok sa aerobic gymnastics (6), bowling (8), chess (8), dance sport (12), sports climbing (extreme sports, 4), swimming (6), futsal 14), hoop sepak takraw (5), muay (5), kickboxing (3) at 3-on-3 basketball (4). Ang iba pang sport na paglalabanan ngunit walang lahok ang Pinas ay ang cue sports, dragon and lion dance, electronic sports (E-Sports), indoor cycling at indoor hockey. Ang 3-on-3 basketball at kickboxing ay demonstration sports.