Sa kabila ng impresibong ipinakita ni 2007 Rookie Draft No. 1 overall pick Joe Devance para sa Welcoat Paints, hindi pa rin ito naging sapat para mapigilan ang Red Bull.
Nilimita ng mga Bulls ang mga Dragons sa 14 puntos sa kabuuan ng third period kasabay ng pananalasa ni Junthy Valenzuela sa final canto at angkinin ang 86-75 tagumpay sa 2007 PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Kumolekta ang 6-foot-2 na si Valenzuela ng 17 sa kanyang game-high 27 marka sa fourth quarter para ibigay sa Red Bull ang unang panalo matapos isuko ang 95-102 kabiguan sa nagdedepensang Ginebra noong Biyernes kung saan napatawan si coach Yeng Guiao ng isang one-game suspension noong Lunes.
Pinangunahan naman ng 6’6 na si Devance, tumipa ng 14 puntos sa kanyang pagpasok sa second period, ang Welcoat, may 0-2 baraha ngayon, mula sa kanyang 19 puntos kasunod ang 17 ni Nic Belasco.
Samantala, handa si PBA OIC Sonny Barrios na tumanggap ng mga rekomendasyon ukol sa uupong supervisor of officials na siyang mamamahala sa mga referees.
“Sana makakuha kami kaagad ng supervisor of officials para magkaroon na tayo ng proper structure pagdating sa ganyang aspeto. Kung may magrerekomenda, we will look at it,” wika ni Barrios. (RCadayona)