Duncil At Andaya Mahalaga Sa Red Bull
MARAMI ang nagsasabing napakaswerte talaga ng Red Bull.
Kasi kahit na naipamigay nito sina Lordy Tugade, Enrico Vilanueva at Larry Fonacier sa San Miguel Beer, maga-ganda naman ang nakukuha nitong kapalit.
Katunayan, sa nakaraang PBA Rookie Draft ay nakuha pa ng Red Bull si Jojo Duncil. Biruin mong umabot sa kanila si Duncil kahit na second round na sila nakapili.
Dapat sana’y sa Purefoods ang pick na iyon ng Red Bull pero nagkaroon ng trade kung kaya’t napunta sa Barakos. Aba’y magandang materyales si Duncil.
Bata pa ito at puwede pa sanang maglaro sa Univeristy of Santo Tomas sa kasalukuyang 70th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Pero minabuti ni Duncil na magpro na lamang matapos na magkaroon ng kuwestiyon sa kanyang edad bunga ng magkaibang birth certificates. But then again, maaalala ng lahat na si Duncil ang siyang Most Valuable Player ng 2006 Finals kung saan tinalo ng Growling Tigers ang Ateneo Blue Eagles sa Finals.
Kapag tinignan ang kapalaran at pinagdaanan ni Duncil, parang ito rin ang ruta na tinahak ni Cyrus Baguio na ngayon ay isa sa mga naaasahang manlalaro ng Barakos.
Parang ganito rin ang tinatahak ni Leomar Najorda na maaga ding nagpa-draft kahit na naglalaro pa siya sa San Sebastian sa NCAA.
At ganito rin ang dinaanan ni Fonacier na isang second round pick subalit nagwagi bilang Rookie of the Year.
Malaking bagay itong si Duncil kahit pa sabihing nakuha ng Red Bull buhat sa San Miguel Beer ang mga shooters na kagaya nina Brandon Cablay at Francis Adriano.
Tiyak na mabibigyan din naman siya ng playing time ni coach Joseller “Yeng” Guiao dahil sa wala naman itong ibinabangko sa kanyang koponan.
Ang lahat ng nasa bench ay nakapaglalaro. At kapag maganda ang ipinapakita ng mga ito’y humahaba ang playing time.
Pero siyempre, may nagsasabi rin na hindi naman si Duncil ang kailangan ng Red Bull kundi isang malaking player.
Kasi nga’y wala pang kapalit si Villanueva. Dito dumarating ang swerte.
Aba’y akalain mong nakuha din nila nang libre buhat sa Air 21 si Mark Andaya na isang first round pick ng Talk N Text noong nagdaang season.
Alam naman ng lahat na si Andaya ay starplayer ng Letran Knights.
Kung nabigyan lang siya ng break sa Talk N Text o sa Air 21, puwede din sana siyang maging dominant big man sa PBA ngayon.
Pero ano ba naman ‘yung isang taong pagkakaantala ng development ni Andaya?
Ngayon ay tiyak na magkakaroon din siya ng break dahil kulang sa big men ang Barakos.
Sina Duncil at Andaya ay mahahalagang piyesa sa kinabukasan ng Red Bull sa PBA!
- Latest
- Trending