Patuloy sa pananalasa ang Quezon City sa karatedo sa pagkopo ng apat na golds sa kata event kahapon sa penultimate day ng National Capital Region Qualifying Leg ng 2nd Philippine Olympic Festival sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni Alexander Emmanuel Lay ang kampanya ng QC sa pagkopo ng ginto sa 8-9 boys division na sinundan ng panalo nina Miguel Villasis (10-11), John Conrad Allera (12-13) at Kevin Merdigona (14-15).
Dahil dito, ang Quezon City na suportado ni Mayor Sonny Belmonte ay nagsosolo pa rin sa pangunguna sa kanilang 41-gold, 26-silver at 20-bronze medal na hinakot sa event na ito na suportado ng Philippine Sports Commission, Globe, the Philippine STAR, Negros Navigation, Accel, AMA Computer College Asia Brewer at Creativity Lounge.
Nasa ikalawang puwesto ang Manila, ang lider sa unang dalawang araw ng kompetisyon matapos dominahin ang centerpiece athletics matapos ang tatlong golds, dalawa sa chess at isa sa karatedo.
Ang Manila ay mayroon na ngayong 32-29-31 produksiyon kasunod ang Pasig City na may 20-4-5 at La Piñas na may 10-25-10.
Kasama sa top 10 sa event na inorganisa ng National Sports Association officials sa pamumuno ni Philippine Olympic Committee chair Robert Aventajado ng taekwondo ang Taguig (8-11-15), Makati (4-7-4), Parañaque (3-12-9), Marikina (3-1-11), Valen-zuela (2-6-1) at Pateros (2-0-1). (JOEY VILLAR)