BUKAS ay matatapos na ang tatlong buwang paghihintay ng mga basketball fans dahil sa magsisimula ang 2007-08 season ng Philippine Basketball Association.
Dapat sana’y noong Setyembre 23 pa magsisimula ang bakbakan subalit napalitan ang petsa. Pero okay na rin iyon dahil sa nabigyan ng sapat na pagkakataon ang sampung koponan na paghandaan ang “giyera.”
Sa tutoo lang, kapag tinignan ang line-up ng mga teams, masasabing kahit paano’y walang mapag-iiwanan. Siguro’y batayan na ang Welcoat Dragons na pumapasok sa ikalawang season nito bilang miyembro ng pro league.
Lumakas ang frontline ng Dragons matapos na kunin ang Fil-Am na si Joe Calvin DeVance bilang top pick sa nakaraang Draft. Pagkatapos ay nakuha rin ng Dragons si Nic Belasco buhat sa Alaska Milk at ipinamigay si Jun-jun Cabatu bilang kapalit. Pinapirma din nila ang second round pick na si Ryan Araña at mga free agents na sina Estong Ballesteros at Donald Dulay.
So kahit paano’y nag-improve ang line-up ng Dragons bagamat sinasabi pa rin ni coach Leovino Austria na hindi pa siguro nila kayang sungkitin ang kampeonato dahil sa mas mabibigat pa rin ang ibang teams.
At ang tinutukoy ni Austria at pati na ng mga league observers ay ang mga tulad ng Magnolia Beverage (dating San Miguel Beer) at Talk N Text na siyang tinatayang mag-uunahan sa No. 1.
Sa Biyernes pa mapapasabak ang Welcoat kung kailan makakaharap nila ang Coca-Cola Tigers sa ganap na 4:35 pm sa Cuneta Astrodome. Sa main game sa araw ding iyon ay magtutuos naman ang Red Bull at Barangay Ginebra.
Bukas, sa kaisa-isang opening game ay makakalis-kisan ng Magnolia ang Air21 Express. Sa Miyerkules ay maglalaban ang Sta. Lucia at Purefoods sa 4:35 at ang Talk N Text at Alaska Milk sa 7:20 pm main game sa Araneta Coliseum.
Ang unang out-of-town game ay sa pagitan ng Purefoods at Talk N Text sa Dumaguete City sa Sabado.
Kung maraming bagong mukha sa PBA dahil sa lampas 20 rookies ang pinapirma ng kontrata, ibig sabihin ay marami din ang nawalan ng trabaho kahit pa 14-man line-up na ang pinayagan.
Kabilang sa mga wala sa line-up sa umpisa ng Philippine Cup ay sina Rodney Santos at Andy Seigle na dating naglaro sa Ginebra, Zandro Limpot ng Purefoods, Victor Pablo ng Talk N Text at Dale Singson ng Alaska Milk.
Sina Seigle at Limpot ay nagretiro na kung kaya’t hindi na natin makikitang naglalaro. Yung iba ay puwede pang magbalik anytime kung may koponang mangangailangan ng kanilang serbisyo.
So, ano? Kita-kits na lang tayo bukas sa Araneta Coliseum!