Makati blinangko ang Taguig
Ipinakita ni pitcher Jonjon Robles ang kanyang kahusayan sa pagpukol ng blangkuhin ng Makati Marlins ang Taguig Forward, 10-0 sa pinaigsing 7-inning na laro sa pagbubukas ng Baseball Philippines regular series kahapon sa Rizal Memorial ballpark.
Nagbigay lamang ng dalawang hits ang kaliweteng si Robles habang binugbog naman ng kanyang mga kasamahan ang kalaban sa kanilang 9-hits sa dalawang pitcher na sina starter Ronald Bocalan at reliever Ernesto Binarao para sa 10-run na dahilan para ihinto ang laban bunga ng 10-run rule.
Binuksan ng Marlins ang laban sa pamamagitan ng limang malalaking runs , isa sa 3rd inning at tatlo sa 5th inning kasama na dito ang three-run home-run ni Al-Denim Lozada bago kinumpleto ang ika-10 run sa 7th inning na naghudyat ng pagtigil ng laro.
Sa unang laro, ginulat ng Marikina Shoe Makers ang Manila Harbour Centre Sharks sa pamamagitan ng 11-5 panalo.
Bagamat ang Marikina Shoe Makers ay bagong sali at ang unang laro nila ay nagsilbing debut, hindi kinabahan ang mga bata ni coach Randy Dizer at walang patumangga na pinayuko ang Manila Sharks.
Matapos maka-una ng 4-2 sa unang dalawang inning, bumanat pa ng apat na run muli ang Shoe Makers sa 4th inning, kasama na dito ang 2-run homerun ni Jojo Apura at makalayo ang mga taga Marikina, 8-2 at buhat dito ay hindi na lumingon pa sa likod ang mga Shoe Makers hanggang sa matapos ang laro.(A.Dela Cruz)
- Latest
- Trending