Tatlong Filipino fighters ang nakasama sa undercard ng world super flyweight title defense ni Mexican Fernando Montiel sa Oktubre 4 sa Hard Rock Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ito ay sina super bantamweight Bernabe Concepcion, super featherweight Mercedito Gesta at lightweight Allan Visayas.
Makakatapat ng 19-anyos na si Concepcion, may 22-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 knockouts, si Sal Garcia (15-5), samantalang haharapin naman ng 19-anyos ring si Gesta si Carlos Vinan (7-4).
Ang tubong Vigan, Catanduanes na si Concepcion ang kasalukuyang North American Boxing Federation (NABF) super bantamweight titlist.
Nakuha ni Concepcion ang naturang korona matapos pabagsakin si Mexican Gabriel Elizondo sa fourth round ng kanilang upakan sa Allstate Arena sa Rosemont, Chicago noong Agosto 4 bilang bahagi ng Erik Morales-David Diaz WBC lightweight championship.
Nasa undercard rin ng naturang boxing event ang pambato ng Labogon, Mandaue City na si Gesta na umiskor ng isang unanimous decision kay Carlos Madrid.
Sasagupain naman ng 33-anyos na si Visayas (21-7) si World Boxing Council (WBC) No. 2 Urbano Antillon (19-0) para sa opening bout na tatampukan ng pagdedepensa ni Montiel sa kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) light flyweight crown laban kay Luis Melendez ng Colombia.
Kundi lamang umatras si International Boxing Federation (IBF) light flyweight Ulises “Archie” Solis sanhi ng sinasabi niyang shoulder injury ay kasama rin sana sa listahan ang 35-anyos na si Filipino challenger Bert Batawang. (RCadayona)